Joke ng mga sabungero mga tropapips ang tanong na paano raw malalaman kung may tanga sa sabungan? Sagot: Kapag may nagdala ng pato at isinabong sa manok. Pero papaano raw malalaman kung may mas tanga pa sa nagdala ng pato? Sagot: Kapag may pumusta sa pato.
Linawin natin mga tropapips na joke ‘yan at hindi layong insultuhin ang mga pato. Puwede kasing sampol ng sukatan ng pag-iisip ng tao ang naturang joke. Sino nga ba namang “not so wise” (bad word daw kasi ang tanga) ang tataya sa pato?
Sa totoo lang, wala pa tayong nakikitang pinagsabong na pato at manok. Pero kung liksi at taas siguro ng lipad ang pag-uusapan, mas lamang ang manok kaysa sa pato. Bukod pa sa mas mahaba ang leeg ng pato kaya kung may tari ang manok, malamang na madale ang leeg
ng pato.
Pero may tataya nga kaya sa pato kung sakaling isabong sa manok? Sabi ng ilang ayudanatics nating kurimaw, posible kung may mababasa sila sa social media o may nakitang video na puwedeng manalo sa manok ang pato.
In short, maraming Pinoy ang nagiging “funny,” as in paniwalain sa nakikita nila sa social media.
Hindi naman kataka-taka dahil maraming lumalabas sa social media na “mukhang totoo” kapag inedit. Gaya na lang ng mga picture na gawa ng AI o artificial intelligence o computer, na kayang gawing burles ang taong nakabihis.
May mga tao tuloy, lalo na ang mga netizen, na iniuugnay ang social media sa paglala kaya raw mababa ang IQ (Intelligence Quotient) o katalinuhan ng mga Pinoy. Mayroon ding isinisisi sa mga teleserye na nakakabawas talino raw sa mga nanonood. Aba’y alam nang nang-u-ogag na ang kontrabida, pero ang bida na lang ang hindi nakakahalata.
Batay sa isang pag-aaral ng World Population Review kamakailan, sinasabing “below average” ang 81.64 na IQ ng mga Pinoy. Nasa 85-100 ang itinuturing na average IQ score at nakapuwesto ang Pinas sa pang-111 sa 199 na bansa, pagdating sa IQ.
Pagdating sa puwesto ng IQ sa Asia, ‘di kaiga-igaya ang ranggo ng Pinas. Baka lalong lumaki ang ulo ng bully na China dahil kasama sila sa top 5 na binubuo ng Japan, Taiwan (na inaangkin ng China), Singapore, Hong Kong (na teritoryo ng China), China, at South Korea.
Mas mataas pa sa Pilipinas ang IQ ng Cambodia (99.75), Myanmar (91.18), Vietnam (89.53), Thailand (88.87), at Malaysia (87.58). Pero ‘di bale dahil pang-lima naman tayo sa medal tally sa SEA Games na 11 bansa ang kalahok. Tinalo natin ang Malaysia, Singapore, Myanmar sa paramihan ng medal.
Kung tunay na below average ang IQ ng mga Pinoy, bakit kaya? Kung ang ilang netizen eh isinisisi ang pagkahilig ng mga Pinoy sa social media at teleserye, ang ilang opisyal naman ng pamahalaan, iniuugnay ang below average IQ ng mga Pinoy sa kahirapan at mababang kalidad ng edukasyon.
Kasi nga naman, kapag mahirap ang bata eh kulang na siya sa sustansiya sa katawan at isip. At kung pakpak pa ang tagapagturo, hihina ang bata sa pag-iisip. Lalo nang nadisgrasya ang utak ng bata kapag napuno pa siya ng fake news na nasasagap sa social media.
Ano kayang matutunan ng bata kung mga babaeng nakapanty at bakat ang utong na nagsasayaw ang mapapanood niya sa social media? Napapansin niyo ba kung anong klase ng influencer o content creator kuno ang sikat sa social media?
Pero hirit ng ilan nating kurimaw, hindi na baleng mahina ang IQ basta maging “SS”… as in “street smart” o madiskarte, eh aasenso ang tao. At hindi na rin daw dapat abangan pa kung may tataya sa pato para malaman kung mayroon “not so wise,” tingnan lang daw ang klase ng mga kandidato na ating ibinoboto. Tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”
-30-