Nagbabala ang Department of Justice (DOJ) sa mga suspek sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo na huwag paglaruan ang hustisya dahil pananagutin sila kapag napatunayang walang katotohanan ang kanilang mga alegasyon ng torture laban sa mga awtoridad.
Nabatid na apat na suspek sa Degamo slay ang umatras umano sa kanilang testimonya sa pagkakasangkot sa krimen na naganap noong Marso 4, 2023.
Kabilang sa kanila si Osmundo Rivero na nagsabing tinorture umano siya para idawit si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. sa krimen habang nasa kustodiya siya ng pulisya. Nagbanta pa umano ang mga pulis na sasaktan ang kanyang pamilya kapag hindi nakipagtulungan.
Tiniyak naman ni Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon na kanilang iimbestigahan ang mga alegasyon tungkol sa torture. Kapag napatunayan aniya na totoo ito at mayroong batayan para magsampa ng kaso ay mananagot kung sino man sa mga awtoridad ang may kagagawan nito sa mga suspek.
Ngunit mabigat ang babala ni Fadullon sa mga suspek kapag nadiskubre aniya na walang katotohanan ang mga alegasyon laban sa mga awtoridad.
Pananagutin aniya sa batas si Rivero at maging ang iba pang suspek kapag nabisto na pinaglalaruan ang justice system ng bansa.
“He should not be allowed to toy with the criminal justice system or toy with this justice system by coming up with changes in his statements without necessarily being able to explain or justify the same. That would hold true for the others,” wika ni Fadullon sa panayam ng ANC nitong Huwebes, Mayo 25.
(Juliet de Loza-Cudia)