Bagaman may pabugsu-bugso nang pag-uulan, todo pa rin ang nararanasang init sa malaking bahagi ng bansa dulot ng summer season na pinatindi pa ng El Niño phenomenon.
Talaga namang tagaktak ang pawis lalo na sa pagitan ng 11am hanggang 3pm kung kalian tirik na tirik ang araw.
Kaya paulit-ulit na payo ng mga doktor, ugaliing uminom ng maraming tubig ngayong summer para mapunan ang labis na pagpapawis ng katawan. Kailangang manatiling hydrated para presko ang pakiramdam.
Pero hindi lang tuwing summer dapat umiinom ng maraming tubig. Dapat itong ugaliin all-year-round. Sabi ng ilang eksperto, mainam kung higit sa walong basong tubig ang iinumin ng isang tao kada araw.
Ika nga, ‘water is life’. Importanteng sanayin ang katawan sa tubig. Marami kasi ang tila nalulunod sa tuwing umiinom ng tubig. Mas pinipili pa ang mga matatamis na inumin gaya ng milktea, shake, iced coffee at iba pa. Dahil mataas sa sugar content, nakasasama ito sa kalusugan kung sobra-sobra ang intake.
Ayon sa eksperto, ang tubig ay natural remedy sa sakit ng ulo at migraine.
Binubuo ng 90% ng tubig ang utak ng isang tao. Kaya ayon sa ilang medical experts, ang pag-inom nito ay nakaka-improve ng productivity sa trabaho at paggawa ng iba pang gawain.
Nakatutulong din ang tubig sa digestion at constipation. Mas bumibilis daw ang metabolism ng isang tao kapag maraming water intake.
Malaki rin ang naitutulong ng pag-inom ng sapat na dami ng tubig para sa taong madalas makaranas ng cramps, sprains at injuries. Kapag tayo ay properly hydrated, ang ating mga muscles at joints ay lubricated.
Sa totoo lang, marami talagang benepisyo sa pag-inom ng sapat at maraming tubig kada araw. Kaya ugaliin ito lalo na ngayong mainit ang panahon.