WebClick Tracer

NEWS

Ako Bicol cong: DICT P2.4B libreng Wi-Fi project nakabitin

Sinilip ni House committee on appropriations chairperson at Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co ang kabagalan umano ng Department of Information and Communication Technology (DICT) sa paggamit ng pondong inilaan ng Kongreso para sa libreng Wi-Fi project.

Ginawa ni Co ang pagpuna sa briefing ng kanyang komite kaugnay ng budget ng DICT.

“Tulungan na lang namin kayo sa procurement ninyo. I think kailangan ninyo ng consultant…it’s been two decades na, `yung procurement process niyo talagang pagong e,” sabi ni Co.

Batay sa presentasyon ng DICT, nakasaad na wala pa itong nagagamit sa P2.4 bilyong pondo para sa libreng Wi-Fi sa mga pampublikong lugar at sa P50.6 milyon para naman sa libreng Wi-Fi sa state universities and colleges.

Mahigit P2.4 bilyon ang kabuuang halaga ng hindi pa nagagamit na pondo para sa libreng Wi-Fi project.

Sa National Broadband Plan, nakapag-obliga na ang DICT ng P41.6 milyon mula sa nakalaang P1.8 bilyong budget nito o 2.2%.

Kinuwestyon pa ni Co si DICT Secretary Ivan John Uy tungkol sa pondong inilaan sa kanila ng Kongreso.

“If you remember Secretary (Uy), last year I asked you, `yung sa NB (national broadband) how much you need para makarating sa Mindanao, sabi mo sakin, meron ka ng P1.5 billion, you just need another P2 billion ba `yun or P1 billion. We put that (in the 2023 budget). I never called you, `di kita finollow up hanggang ngayon. Pero, nagsisisi yata ako,” sabi ni Co.

Ayon sa DICT, marami itong problemang minana mula sa nakaraang administrasyon at kanila pa itong sinosolusyonan. Kabilang umano sa mga problemang ito ang mga naipatupad na proyekto kahit na walang pinirmahang kontrata kaya hindi ito mabayaran ng ahensya.

Sinabi ni Co na suportado ng Kamara ang digitalization ng bansa ngunit paano aniya aasa sa DICT kung mabagal ang implementasyon nito.

“We really want to accomplish and support the plan of the administration na ma-digitize tayo, mapabilis…Di ba DICT, dapat kayo ang pinakamabilis sa lahat ng agency? Kayo yung digitization. Paano kami aasa sa inyo kung kayo pinakamabagal sa process, sa utilization…. that’s the campaign promise of the President,” giit ni Co. (Billy Begas)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on