Hindi pa final and executory ang pagkakabasura sa petisyong inihain para sa disqualification ni dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary Erwin Tulfo bilang ACT-CIS party-list representative.
Sa Laging Handa public briefing nitong Biyernes, Mayo 26, sinabi ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudingco na mayroong limang araw ang petitioner na si Atty. Moises Tolentino para magsampa ng motion for reconsideration.
“Hindi pa naman final and executory yung dismissal, sa loob ng limang araw o hanggang May 30 ay may karapatan iyong petitioner dito, si Atty. Tolentino na magsampa ng kanyang motion for reconsideration,” ayon kay Laudingco.
Sinabi pa ng opisyal na kung gustong habulin ni Tolentino ang petisyon nito laban kay Tulfo, maaari aniyang isampa ito sa ibang forum tulad ng House of Representatives Electoral Tribunal.
Pero sa ngayon umano ay wala ng makakapigil at hindi pinipigilan ng Comelec ang pag-upo ni Tulfo bilang ACT-CIS party-list representative dahil wala ng hurisdiksyon ang komisyon sa usapin. (Aileen Taliping)