WebClick Tracer

SPORTS

Dave Roa kinopo medalyang tanso sa Thailand MTB Cup 2

Inangkin ni Dave Roa ng Go for Gold ang tansong medalya sa Men Elite XCO upang a ibigay sa ‘Pinas ang magarang simula sa Thailand MTB Cup 2 nitong Miyerkoles sa Chantaburi Province, Thailand.

Pinalagan ng 20-anyos na Batagueño rider sina Suwanseng at Onthuree ng host country at kakamping Pinoy na si Emmanuel Dave Montemayor na mga sinalya niya sa pang-4-5-6 na mga puwesto sa girian sa meta.

Tumiyempo si Roa ng 1 oras, 33 minuto at 45 segundo, 9 segundo bago ungos sa mga Thai pedalpusher. Nasa unahan niya sina Zaenal Fanani ng Indonesia at Binukman ng Singapore na sumikwat ng ginto at pilak.

Lumagak ang dalawa pang pambato ng PhilCycling na sina Jigo Mendoza at James dela Cruz sa ika-11 at ika-16, ayon sa pagkakasunod, mula sa 20 starters ng anim na bansa.

Ikinatuwa ni coach Ednalyn Hualda ang pagtatapos ng kanyang mga rider na nakakolekta ng 77 UCI points, kabilang ang 53 points sa Elite Category na isang magandang tulong sa pagtipon ng qualifying points para sa Team Philippines na asintang makatuntong sa 2024 Paris Olympics. (Lito Oredo)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on