Masaya si Joshua Garcia dahil naging bahagi siya ng ‘Unbreak My Heart’ na maituturing na isang historic event on Philippine television.
Ito kasi ang unang pagkakataong nagsanib-puwersa ang GMA-7 at ABS-CBN thru Dreamscape Entertainment at Viu.
“Grateful ako for this historic event and partnership.Masaya lang ako at ini-embrace ko lang siya na part ako nito,”lahad niya.
Naging usap-usapan naman sa mga nakapanood ng celebrity screening ng serye ang kissing scene niya sa kanyang dalawang leading ladies na sina Jodi Sta.Maria at Gabbi Garcia.
Aniya, nakatulong daw na nag-undergo sila ng sensuality workshop para hindi sila magkaroon ng ilangan sa set.
“Kami kasing mga aktor, pag masyado naming na-feel ang emosyon, sumosobra kami sa boundaries ng isa’t-isa.So, itong sensuality workshop, at least alam ninyo iyong mga limit ninyo, iyong mga boundaries ninyo at iyong kaya ninyong gawin,”paliwanag niya.
Naurirat din namin kung ano ang feeling niya at pagkakaiba ng pakikipaghalikan niya kay Jodi at Gabbi sa naturang serye.
“Magkaiba iyong atake. With Jodi, mas passionate siya, mas mabagal, mas ramdam.With Gabbi, passionate rin naman pero tugma naman sa edad namin so medyo diin nang konti,” esplika niya.
Aminado rin si Joshua na napanood niya ang panayam sa co-star niyang si Gabbi nang sinabi nitong ipinagpaalam sa ex niyang si Julia Barretto ang pakikipagtrabaho sa kanya.
“Nakita ko iyon.Napanood ko iyon.Di ko alam, it’s between them,” matipid niyang sagot.
Sa mga bulung-bulungan namang nagpaplano nang magpakasal ang ex at ang boyfie nitong si Gerald Anderson, ito ang kanyang naging sagot.
“Di ko alam iyon.Bago sa akin iyon.Kung saan sila masaya, support ko lang iyon,”ani Joshua.
Hirit pa niya, matagal na rin daw silang walang komunikasyon ni Julia since na magkaroon ng pandemic.
Sa posibilidad naman na ma-in love siya sa older woman, ito naman ang kanyang take.
“Oo naman.Ako kasi 25 years old na ako turning 26 this year. Naghahanap na ako ng deeper connection emotionally.Parte na iyon ng pagiging masaya.Iyong exciting and then iyong love part, mas deep connection na ang hanap ko,”bulalas niya.
Tulad daw nang nasabi niya sa isang panayam, wala raw namang problema kung magkatrabaho silang muli ni Julia Barretto.
Sa “Unbreak My Heart” , ginagampanan ni Joshua ang papel ni Renz na nasangkot sa dalawang babae.
Kinunan sa iba’t-ibang parte ng Switzerland, Italya at Pilipinas.
Bukod kina Jodi at Gabbi, kasama rin sa major cast si Richard Yap.
Ang “Unbreak My Heart” ay mapapanood na sa GMA Telebabad, Pinoy Hits at I Heart Movies simula sa Mayo 29 sa ganap na 9:35 ng gabi at 11:25 ng gabi sa GTV.
May advanced streaming din ito sa Mayo 27 sa GMANetwork.com, iWantTFC at Viu.
Ang serye ay mapapanood din sa GMA Pinoy TV at TFC.