WebClick Tracer

SPORTS

PSI kongreso, halalan ng board sa Hunyo 8 idaraos

Mas maaga ng isang linggo o sa Hunyo 8 ang pambansang kongreso at halalan ng mga miyembro ng board of trustees ng Philippine Swimming Inc. (PSI).

Orihinal na naka-skedyul sa Hun. 15, dadaluhan ang World Aquatics-ordered exercise ng mga regional representative at nominee ng PSI simula sa alas-11:00 ng umaga sa East Ocean Palace Restaurant sa Paranaque.

Ang bagong iskedyul ng kongreso at halalan ay napagkasunduan sa hybrid meeting noong Huwebes ng mga regional representative ng federation, ayon kay Atty. Wharton Chan.

“Ang mga kinatawan ng rehiyon ay sumang-ayon na ilipat ang ehersisyo sa isang mas maagang petsa at ito ay gagawin nang harapan,” sey Biyernes ni Wharton, miyembro ng Philippine Olympic Committee (POC)-designated electoral committee na pinamumunuan ni POC secretary-general Atty . Edwin Gastanes kasama sina Atty. Avelino Sumagui at Atty. Marcus Antonius Andaya bilang mga miyembro.

Mahigit sa 300 club o grupo ang nakarehistro bilang mga kasapi ng PSI kung saan 100 sa kanila ang sumali sa pulong noong Huwebes, hirit pa ni Chan.

Inaasahan niyang mas marami ang dadalo sa palapit na kaganapan.

Ang ihahalal ay 10 miyembro ng board of trustees batay sa geographical sector kasama ang isang miyembro mula sa kinatawan ng diving, open water swimming, water polo at synchronized (artistic) swimming para sa kabuuang 11 trustee.

Sinasaklaw ng heyograpikal na sektor ang tigdalawa mula sa Area 1 (National Capital Region), Area 2 (Regions 1, 2, 3 at Cordillera Autonomous Region), Area 3 (Regions 4-A, 4-B at 5), Area 4 (Regions 6, 7 at 8) at Area 5 (Regions 9, 10, 11, 12, CARAGA Region at Autonomous Region of Muslim Mindanao). (Lito Oredo)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on