WebClick Tracer

NEWS

`Betty’ palalakasin habagat, evacuation kinasa

Nagsagawa ng preemptive evacuation nitong Sabado, Mayo 27, ang pamahalaan sa mga naninirahan sa Northern Luzon na posibleng maapektuhan ng super bagyong Betty bago pa man ito pumasok sa Philippine Area of Responsibility.

Ikinasa ang paglikas ng mga residente lalo sa mga delikadong lugar para sa kanilang kaligtasan dahil sa inaasahang malakas na hagupit ng bagyong Betty.

Sa isang news forum nitong Sabado, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Director Edgar Allan Tabell na sinimulan ang paglikas ng mga residente sa Cagayan partikular sa Sta. Ana at Gonzaga.

“Base sa forecast ng Pagasa…sa Monday or Tuesday pa lang magkakaroon ng malalakas na…pag-ulan doon sa area na iyon of extreme Northern Luzon. Pero alam natin iyong karanasan ng ating mga kababayan sa Northern Luzon particularly Cagayan, Isabela, hindi na ito bago sa kanila, so alam na nila iyong ginagawa,” ayon kay Tabelle.

Ngunit marami na rin aniya ang mga bayan at probinsya sa Northern Luzon na nagsagawa ng preemptive evacuation.

Nagbabala rin ang opisyal sa mga lugar na hindi direktang tatamaan ng bagyo na maging alerto pa rin dahil sa palalakasin umano ni `Betty’ ang habagat na magdudulot ng mga pag-ulan sa iba pang lugar.

Samantala, sa pinakahuling weather bulletin ng Pagasa, humina ngunit nanatili sa kategorya ng super typhoon ang bagyong Betty habang tinutumbok ang Batanes.

Taglay umano ng bagyo ang bugso na 230 kilometer per hour at kumikilos sa bilis na 25kph. Huli itong namataan sa silangang bahagi ng Central Luzon.

Nagbabala ang Pagasa na magkakaroon ng tuloy tuloy na pag-ulan sa Linggo ng gabi hanggang Lunes sa Visayas, kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon gayundin sa hilaga at kanlurang bahagi ng Mindanao dahil naman sa habagat na pinalakas ng bagyo.

(Tina Mendoza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on