Tinupok ng apoy ang isang bodega at limang bahay sa Muntinlupa nitong Sabado ng madaling araw.
Sa ulat ng Muntinlupa City Fire Station, dakong alas-4:18 ng madaling araw nang lamunin ng apoy ang isang storage facility sa Tepaurel Compound sa Barangay Putatan.
Itinaas ang unang alarma alas-4:23 ng madaling araw at umabot sa ikalawang alarma ganap na alas-4:27 ng madaling araw.
Nasa P1.5 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala ng sunog at naapektuhan ang 15 indibidwal.
Gayunman, wala namang nasaktan sa sunog na naapula bandang alas-7:25 ng umaga matapos magresponde ang dalawang fire trucks at dalawang ambulansya.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ang pinagmulan at sanhi ng sunog. (Betchai Julian)