Isang estudyante ng University of the Philippines Manila (UPM) at dating philosophy student sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang dinukot.
Agad namang kinondena ng UPM ang patuloy na red-tagging, pagbabanta at iba pang aksyon laban sa mga guro, estudyante, alumni at empleyado ng UP, matapos umanong dukutin ang mga peasant at youth organizers na biktimang sina Patricia Nicole Cierva at Michael Cedrick Casaño.
Nababahala ang UPM sa pagkawala nina Cierva at Casaño, na napaulat na dinala ng mga umano’y elemento ng 501st Infantry Brigade sa Brgy. Cabiraoan sa Munisipyo ng Gonzaga, sa Lalawigan ng Cagayan.
Si Cierva ay isang mag-aaral sa UP Manila Development Studies at dating konsehal ng student council at secretary general ng KASAMA sa UP, ang system-wide student council alliance.
Pinamunuan din niya ang mga kabanata ng Kabataan Partylist sa UP Manila (2016-2017) at National Capital Region (2018-2019).
Habang si Casaño, na nagsilbi bilang Kabataan Partylist coordinator sa Isabela mula 2013-2015, ay naging estudyante sa PUP.
Isa rin siyang aktibong nangangampanya para sa “Green Platform” sa Cagayan, na sinalanta ng mga operasyon ng black sand mining noong panahong iyon.
Sa pahayag ng UPM, lubos ang kanilang panawagan na ilantad at pakawalan sina Cierva at Casaño.
Hinihimok rin nila ang lahat ng kinauukulang ahensya ng gobyerno na tumulong na mapalaya at tiyaking ligtas na makauwi ang dalawa.
“We urge all government agencies to adhere to the basic tenets of democracy,” batay sa inilabas ng pahayag ng UPM. (Dolly Cabreza)