Hindi pa rin ligtas ang Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), at Pag-IBIG Fund sa isinusulong na Maharlika Investment Fund (MIF) ng pamahalaan.
Ayon ito kay Senador Nancy Binay na dahilan upang mag-alinlangan pa ito na suportahan ang panukala na sertipikado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent bill.
Naniniwala ang senador na hindi dapat na madaliin ang pagpapatibay ng panukala sa halip kailangan aniya idaan ito sa mahabang talakayan lalo’t nakita niya umano na maraming dapat na baguhin.
“During the past week na pinag-uusapan, kitang-kita na marami pang dapat baguhin, so aabangan natin kung ito ay tatanggapin ng sponsor. Yes gusto nating antayin final version sa period of amendments,” ayon kay Binay.
Tinukoy pa ni Binay ang lumabas sa ginawang interpelasyon ni Senador Loren Legarda kung saan lumitaw na ang pondo ng SSS, GSIS at Pag-IBIG Fund ay maaari pa ring gamitin o i-invest sa MIF na hindi dapat mangyari dahil una na rin itong tinutulan ng marami partikular ang taongbayan.
“Marami kailangan ayusin kasi during the interpellation of Sen. Loren, lumabas `yung Pag-IBIG, SSS, GSIS na sa initial lang pala hindi kasali but puwede pa rin palabasing voluntary, may instances na nangyayari na supposedly voluntary pero `di naman pala voluntary. `Yun siguro and dapat tingnan,” ayon kay Binay.
“Sa akin, personally ayoko na masama itong mga SSS, GSIS, Pag-IBIG kasi `yan ang inaasahan natin kapag tayo ay nag-retire, kung `di successful ang Maharlika saan tayo kukuha ng pangtustos natin,” dagdag pa ng senador.
Samantala, sisiguraduhin umano ni Senate Minority Leader Aquilino `Koko’ Pimentel III na hindi makakapasa ang MILF bukod sa kukuwestyunin din niya ang sertipikasyon ng Pangulo bilang urgent bill.
“Sasabihin ko sa mga kasamahan ko na `yung certification na `yan huwag nating sundin kasi unconstitutional naman `yang certification ng Presidente. Ang sinabi ng Konstitusyon natin ang puwede mo lang i-certify na necessary na panukala dahil mayroon public emergency o calamity sa harap natin, ano namang public emergency at calamity ang sasagutin nitong MIF?” ayon kay Pimentel.
(Eralyn Prado)