NAILIGTAS ang apat katao ng rescue team matapos makulong sa rumaragasang tubig ng Amburayan River sa Barangay Ipet, Sudipen, La Union, Martes ng hapon.
Kinilala ng Police Regional Office 1 (PRO1) information office, ang na-rescue na sina Mariano Mostoles, 65; Mark Marquez, 29; Domingo Ramos, 47, at Louie Piaoan, 33, pawang taga-nasabing bayan.
Sa report, ayon sa PRO1, nangingisda umano mga biktima gamit ang kawayan na pamingwit sa gitna ng ilog ng Ambuyaran nang biglang nagkaroon ng malakas na water current, pagtaas ng tubig sa nasabing ilog at na-trap ang mga biktima.
Nakita ng ilang mga residente malapit sa ilog ang sinapit ng apat at agad nilang ni-report sa otoridad.
Agad namang nagresponde ang Sudipen Municipal Police Station at iba pang operatiba kaya nailigtas ang apat na biktima. (Allan Bergonia)