Nagulantang ang mga residente sa Barangay Guadalupe sa Carcar City lalawigan ng Cebu matapos na tumambad sa kanila ang isang patay na bagong panganak na sanggol kahapon sa nasabing lungsod.
Base sa Facebook Page ng Barangay Guadalupe, Carcar City, pasado alas-sais ng umaga nang matuklasan ang isang kahon ng sapatos na kinalalagyan ng bangkay ng sanggol sa madamong bakanteng lote sa Poblacion 1 ng nabanggit na barangay.
Pag-aari ang lote na pinagpapastulan ng mga kambing ni Carcar City councilor Edwin Barcenas.
Base sa Carcar City Disaster Office, wala na ang pang-ibabang katawan ng baby na posible umanong kinain na ng asong gala.
Mabilis namang pinabendisyunan saka inilibing ang sanggol habang patuloy ang imbestigasyon kung sino ang salarin.
Tinitingnan na rin ang mga kuha ng CCTV sa mga kalapit na lugar upang malaman kung sino ang nagtapon sa sanggol. (Edwin Balasa)