Ilang motorsiklo ang sumemplang matapos na tumagas ang langis mula sa isang 10-wheeler truck sa EDSA-Santolan, Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Sa report, patungo sana ang truck sa Camp Aguinaldo Gate 6 upang maghatid ng mga sako ng buhangin pasado alas-11:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa southbound lane ng EDSA-Santolan.
Pagdating nito sa kanto ng Boni Serrano Avenue ay pumutok umano ang power steering ng truck kaya bumuhos ang tinatayang nasa dalawang litro ng langis sa kalsada.
Dahil dito, nasa tatlong motorsiklo ang sumemplang matapos na madulas sa langis.
Ayon sa mga tauhan ng Metro Manila Development Authority, maayos naman ang mga rider maliban sa isang nasugatan sa tuhod.
(Dolly Cabreza)