Umabot sa 156 law breakers kabilang ang 64 drug pusher ang nadakip ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa tatlong araw na Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) na ikinasa ng Bulacan Poliçe Provincial Office (BPPO) sa loob ng 72-oras mula Hulyo 19 hanggang Hulyo 22.
Base sa isinumiteng report kay P/Col. Relly Arnedo, Provincial Director ng BPPO, nagsagawa ng 39 na anti-illegal drug operation ang SDEU sa 24 na City at Municipal Police Station sa loob ng tatlong araw na ikinadakip ng 64 drug personality habang nagkasa din ng 53 manhunt operation ang tracker team ng pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang Most Wanted Person(MWP) at 51 pang wanted sa ibat-ibang kasong kriminal.
Nagsagawa din ng 14 na anti-illegal gambling operation ang Bulacan PNP at nagresulta ito sa pagkakadakip sa 39 sugarol na pawang nakapiit at nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling matapos na maaktuhang nagsusugal gaya ng tong-its, pusoy, mahjong, cara cruz at jueteng o illegal number games.
Ang SACLEO ay nagresulta sa pagkakadakip ng operatiba ng Bulacan Provincial Intelligence Unit sa 4 drug pusher sa magkasunod na buy-bust operations sa Barangay Tangos at Barangay Pagala, kapwa sa Baliwag City nitong Miyerkules at narekober sa suspek na sina Denmark Hipolito, Elmer Groyo, Aries Inovero at Marlon Paguiligan ang isang caliber 38 revolver na kargado ng 4 bala at 205 gramo ng shabu na nagkakahalagang P1,394,000 at puting Toyota Vios na gamit ng grupo sa iligal na transaksyon.
Kabilang naman sa MWP na nadakip sa serye ng manhunt operation si Rebensen Chua na top MWP sa Baliwag City at 6th MWP sa Bulacan. (Jun Borlongan)