Pumoste sina top seed Jana Diaz at No. 3 Sandra Bautista ng magkaibang panalo upang selyuhan ang duwelo para sa korona ng girls’ 18-Under ng PPS-PEPP (Palawan Pawnshop-Palawan Express Pera Padala) Rep. Alonte-Naguiat National Juniors Tennis Championships nitong linggo sa Brent Tennis Center sa Binan, Laguna.
Pinadapa ni Diaz si Shaira Silva, 6-0, 6-0, at sinorpresa ni Bautista si second seed Chloe Mercado, 7-5, 4-6, 10-7, sa matagal nang naghahanap ng mga talento sa bansang programang binuo ni Palawan Pawnshop president/CEO Bobby Castro.
Pagtutuusan din nina Diaz at Bautista ang kampeonato ng 16-U makaraang itumba ng una si Alexie Jarata, 6-1, 6-1, at ang huli ay idispatsa si Mercado sa balikatang hambalusan, 3-6, 7-6(3), 10-4.
Binulaga rin ni No. 4 Ariel Cabaral si top seed Vince Serna sa boys’ premier division, 6-2, 6-3 upang itakda ang pakikipagsalpukan kay No. 2 John Kendrick Bona, na sinibak si Kale Villamar, 6-2, 6-0.
Ang iba pang mga finalists Group I tournament na sinabakan ng rekord na 272 tenista ay sina Bona at Al Tristan Licayan (boys’ 16), Joy Ansay at Maristella Torrecampo (girls’ 14), Licayan at Lexious Cruz (boys’ 14), Torrecampo at Alexa Cruspero (girls’ 12), Jan Caleb Villeno at Marben Alimarin, Jr. (boys’ 12) at Villeno at Raven Licayan (10-unisex). (Ramil Cruz)