Marami ang nagtataka at umaalma sa panukala na ilagay sa direktang pamamahala ng Office of the President (OP) ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na kasalukuyang attached agency ng Department of Health (DOH). Ang tanong ng marami, bakit bigla-biglang nagkaroon ng interes ang OP sa PhilHealth, at ano ang pangunahing dahilan para alisin ito sa ilalim ng DOH?
Ayon sa DOH, ang PhilHealth diumano mismo ang nanawagan na ilagay ito sa ilalim ng direktang pangangalaga ni President Bongbong Marcos Jr. Ngunit hanggang ngayon, hindi inilalahad ng PhilHealth officials ang mga dahilan kung bakit nirekomenda nila ang paglipat sa OP. Sabat naman ni DOH Secretary Teodoro Herbosa, ito ay isang simpleng management issue lamang. Giit ni Herbosa, sa ilalim ng pangulo, mas magiging efficient daw ang PhilHealth upang tumugon sa pangangailangan ng kanyang 55 million members. Talaga lang ha!
Sinabi naman ng Department of Justice (DOJ), walang legal na balakid para ilipat ang PhilHealth sa ilalim ng OP. Parte diumano ito ng lehitimong kapangyarihan ng pangulo ng bansa upang pangasiwaan ang mga executive departments, bureaus at iba pang opisina at i-reorganize ang mga ito upang maging mas epektibo ang burukrasya ng pamahalaan. Nakakatawa ang pahayag na ito. Hindi naman legality ng panukala ang tinatanong ng mamamayan kundi ano ang dahilan!
Ayon sa mga empleyado ng PhilHealth, walang nangyaring kahit anong konsultasyon o pagpupulong upang kunin ang kanilang panig sa nasabing panukala. Reklamo ng Philhealth-Workers for Hope, Integrity, Transparency and Empowerment (PHilHealth-WHITE), nalaman lamang nila ang panukala nang ito ay maibalita na sa iba’t ibang media outlets. Patunay nito, ayon sa survey na isinagawa nila (June 24-July 4, 2023) na nilahukan ng 2,536 PhilHealth employees sa buong bansa, 94% ng mga PhilHealth employees ang humihingi ng malawakang konsultasyon ukol sa nasabing panukalang paglipat sa ilalim ng OP. Sumulat din daw sila kay PhilHealth president at CEO Emmanuel Ledesma at humiling na konsultahin muna ang mga empleyado. Hindi pa rin daw tinutugunan ng PhilHealth officials ang kanilang request. Wow! Kung totoo ito, ibig sabihin, ang matataas na opisyales lamang pala ng PhilHealth ang may gusto na lumipat sa ilalim ng OP. Bakit hindi na lamang sila ang lumayas?
Nakakatawa rin ang sagot ni DOH Secretary Herbosa. Imbes na pag-isipan muna ang panukalang alisin ang isang DOH attached agency sa kanyang pamamahala at konsultahin muna ang lahat ng mahahalagang stakeholders, tila atat na atat ang DOH secretary na ibigay na ang PhilHealth sa OP. Kaka-appoint lang ni Secretary Herbosa, ngunit imbes na magsipag sa kanyang trabaho ay nagbabawas na agad ito ng tungkulin at responsibilidad, lalo na bilang principal national health authority in charge ng PhilHealth. Huwag naman ganyan, Mr. Secretary!
Hindi kaila sa atin na may mga problema sa PhilHealth, mula sa mabagal na reimbursements hanggang sa akusasyon ng malawakang katiwalian. Pero ang paglipat ba nito sa ilalim ng Office of the President ang tanging solusyon? Masisigurado ba ni BBM na mapapangalagaan niya ng mahusay ang universal public health insurance ng mamamayan? O baka naman magaya lamang ang PhilHealth sa Department of Agriculture (DA), na sa ilalim ni BBM bilang DA Secretary ay inutil upang sugpuin ang kaliwa’t kanang food smuggling at hoarding ng mga cartel at tila naging playground pa ng mga kawatan? Mismong ang Presidential Sister na si Senator Imee Marcos na ang nagsabi na laganap ang smuggling ng bigas at asukal, at masyado raw mabait ang kanyang kapatid sa mga smuggler. Ganito rin ba ang mangyayari sa PhilHealth sa ilalim ng Office of the President? Yari na naman ang Pilipino!