Naglabas ng abiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko nitong Huwebes, Agosto 3, kaugnay sa matinding trapik na posibleng kaharapin ng mga motorista at commuter dahil sa `one time, big time’ emergency road repair sa kahabaan ng EDSA.
Sa pahayag ng MMDA, magkakaroon ng halos isang linggong emergency road repair kung saan ay magsasagawa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng asphalt overlay at reblocking sa 15 lugar sa kahabaan ng EDSA mula alas-10:00 ng gabi sa Agosto 4 (Biyernes) hanggang alas-singko ng umaga sa Agosto 9 (Miyerkoles).
“We decided na instead na every weekend na putol-putol, minsan hindi matapos, e mag-one time, big time na po. Fifteen sites sabay-sabay pong gagawin,” ayon kay MMDA Acting Chairman Romando Artes.
Pinayuhan ng MMDA ang publiko at mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta para maiwasan muna ang EDSA o sumakay sa Metro Rail Transit.
Sabi ng MMDA, buong araw ang isasagawang mga road repair sa 15 lugar sa kahabaan ng EDSA. Kailangan umanong gawin ito dahil kapag ginawa sa gabi ang road repair ay posibleng abutin ng mahigit 15 araw pa at magkakaroon pa rin ng matinding trapik.