Sinampahan ng bagong tatlong kaso sa Makati City Prosecutor’s Office ang showbiz personality na si Awra Briguela.
Sinampahan ng tatlong kaso si Briguela o McNeal Neri Briguela sa tunay buhay, ng complainant na si Mark Christian Ravana, kasama ang kanyang abogado na si Nick Nangit.
Kabilang sa isinampang kaso laban sa komedyanteng si Awra ang grave coercion, light threats, at paglabag sa safe spaces act.
Ayon kay Nangit, ang mga reklamo na kanilang isinampa laban sa social media, TV personality ay may kinalaman sa gulong nangyari sa loob ng isang bar sa Makati kamakailan.
Tinukoy ng abogado ang pilit na pagpapahubad ni Awra sa kanyang kliyente, paghila hanggang sa masira ang damit at ang pagpigil sa kanya na lumabas ng kwarto sa ikatlong palapag.
Una nang sinampahan si Awra ng mga pulis ng kasong slight physical injuries at simple disrespect of public official
Matatandaang noong Hunyo ay nasangkot sa isang rambulan sa isang bar sa Poblacion, Makati ang nasabing komedyante. Inaresto ito ng mga awtoridad ngunit nakapagpiyansa rin.
Nagparamdam din kamakailan sa social media si Awra kung saan ibinida nito ang paparating niyang serye na ‘Comedy Island Philippines’ kasama sina Andrea Brillantes, Carlo Aquino, Rufa Mae Quinto, Jerald Napoles at Drew Arellano.
Kinilala si Awra nang gumanap siya sa FPJ’s Ang Probinsyano, na personal na pinili para sa kanyang papel ng lead actor ng drama series na si Coco Martin. Itinampok din ang buhay ni Awra sa Maalaala Mo Kaya noong 2016. (Betchai Julian/Natalia Antonio)