WebClick Tracer

METRO

Bebot niligtas alaga, nalunod

Wala ng buhay ang isang 28-anyos na babae nang maiahon ang katawan nito matapos mahulog sa ilog mula sa bubungan ng inuupahang bahay habang tinatangkang iligtas ang alagang tuta sa Caloocan City, Miyerkules ng gabi.

Dead on arrival sa ospital si Eloisa Quentura, residente ng Barangay 176, Bagong Silang North.

Bago ang insidente, nakikipag-inuman daw ang biktima sa kinakasamang babae sa loob ng kanilang bahay alas-9:00 ng gabi kasama ang isa pang babae.

Nagkasagutan daw sina Eloisa at kinakasama nito dahilan para ilagay ng huli sa ibabaw ng bubong ang alagang tuta ng una.

Inakyat ng biktima ang bubungan para kunin ang tuta, subalit nahulog ito sa ilog at lumubog sa tubig.

Kaagad namang nagsagawa ng rescue operation ang mga barangay tanod at mga kapitbahay ni Eloisa hanggang sa makita ang babae na wala ng malay.

Kwento ni Robert Arizala, nahirapan silang hanapin ang biktima dahil bukod sa madilim ang paligid ng ilog ay malalim pa ang tubig.

Nagsasagawa na ng follow-up investigation kung kakasuhan ang kinaksama ni Eloisa. (Orly Barcala)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on