WebClick Tracer

NEWS

Makati binibitin hatol ng SC – Taguig

Iginiit ng pamahalaang lungsod ng Taguig na sapat na ang desisyon ng Supreme Court na nag-aatas sa Makati City para ilipat sa kanilang pangangasiwa ang 10 Enlisted Men’s Barrio o EMBO barangays.

Inihayag ito ng Taguig makaraang ipakalat ng pamahalaang lokal ng Makati ang “initial assessment} mula naman sa Office of the Court Administrator ng SC na ipinadala sa executive judge ng Makati Regional Trial Court.

Ayon kay Mayor Lani Cayetano, ginagamit lamang ng Makati ang usapin ng writ of execution para mapigilan ang paglipat ng mga nasabing barangay sa ilalim ng pangangasiwa ng Taguig.

Bagama’t iginagalang aniya ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang inilabas na “initial assessment” ng Office of the Court Administrator, naniniwala sila na isa lamang itong opinyon at labas na sa legal authority nito.

Ipinunto pa ng Taguig na kumilos na rin ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Department of Education (DepEd) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa maayos na paglilipat sa 10 barangay sa kanilang lungsod.

Malinaw, ayon pa sa Taguig, na kinikilala na mismo ng iba’t ibang kagawaran ang naging desisyon ng SC kaya’t hindi rin sila titigil sa paghahanap ng mga legal na paraan laban sa mga nagnanais na hadlangan ang iginawad na desisyon sa kanila ng SC.

Samantala, ikinatuwa naman ni Makati City Mayor Abby Binay ang pag-takeover ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte sa 14 na paaralan ng Makati City na dapat sana ay nakatakdang i-turnover sa Taguig.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Binay na welcome sa kanila ang naging desisyon ni Duterte at hinihintay na lamang nila ang transition team mula sa tanggapan nito upang maging maayos ang pag-turnover ng mga dokumento.

Pinasalamatan din ng alkalde si Duterte sa ginawang hakbang nito upang maalis aniya ang agam-agam ng mga mag-aaral, magulang at guro.

(Betchai Julian)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on