WebClick Tracer

METRO

NBI tinakasan ng nakaposas na suspek

NAKAPOSAS pa nang dinampot ng Cavite police ang isang takas sa kustodya ng National Bureau of Investigation (NBI) habang naglalakad sa Imus City, Cavite Miyerkules ng hapon.

Nasa kustodiya na ng NBI ang suspek na si Mark Anthony Clemente y Cerenio, 23, binata, isang delivery rider, ng 910 San Antonio St., Tondo, Manila.

Nanatili namang tikom ang pamunuan ng NBI sa nasabing insidente at hindi nasagot ang paulit-ulit na mensahe sa tagapagsalita nitong abogado na si Giselle Dumlao.

Sa ulat ni Police Chief Master Sergeant Nino Corroland, ng Imus City Police, dakong alas-11:30 kamakalawa ng umaga nang napansin ng mga opisyal ng Malagasang I-E habang naglalakad na nakaposas ang suspek sa Malagasang Road, Imus City, Cavite.

Agad namang dinala ang suspek sa kanilang barangay at ipinaalam ni Brgy Captain Josefino Sayaman sa Component City Police Station kung saan inimbestigahan at inamin ng suspek na tumakas siya mula sa ika-6 na palapag ng gusali sa kustodiya ng NBI- International Operations Division sa pamumuno ni Head Agnet Filipinas Astrero.

Hindi naman tinukoy kung paano ito nakatakas at nakarating sa nasabing lugar.

“He was being prepared for inquest when he fled from the office and out of the building,” saad ng insider.

Nabatid na ang suspek ay nahaharap sa kasong Syndicated Estafa (Article 315 in relation to PD 1689).
Ang suspek ay i-turn over na kay SI Edwin Roxas, NBI-IOD/Interpol, Quezon City.

Nauna rito’y ilang beses nang nalagay sa kontrobersya ang NBI nang ang isang matagal na nilang detainee ay nakapagsagawa ng unauthorized excursions sa labas ng kulungan kasama ang mga jail guard ng NBI bilang mga escort at nagawa pang kumain sa isang hotel sa Makati City kung saan ilang beses na umanong nangyari ang pagliliwaliw. (Nancy Carvajal/Gene Adsuara)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on