WebClick Tracer

METRO

Olat sa bunong braso, nanaksak

Sugatan ang magpinsan nang saksakin ang mga ito ng isang lalaking nagalit matapos matalo sa bunong braso sa Brgy. Sampaloc, Tanay, Rizal nitong Miyerkules ng gabi.

Kapwa isinugod sa Rizal Provincial Hospital System sa Morong at inilipat pa sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City ang biktimang sina Markjay Lanuza at Jaymark Almahar dahil sa mga grabeng saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan matapos maghuramentado ang suspek na si Jiro Chavez.

Batay sa report ng Tanay police, magkakainuman ang mga biktima at ang suspek nang magkahamunan sa bunong braso ang suspek at kainumang si Ryan, na pinsan din ng dalawang biktima.

Nang matalo ang suspek, kinantyawan ito ng kanyang nakalaban kaya napikon at nauwi sa suntukan.

Inawat naman ito ni Lanuza na lalong ikinagalit ng suspek.

Umuwi ang suspek pero pagbalik ay armado na ng kutsilyo at pinagsasaksak ang magpinsan.

Naaresto ng Tanay police ang suspek matapos ang insidente. (Ronilo Dagos)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on