Hindi na makilala ang labi ng isang lalaking binaril at sinunog sa loob ng sinasakyan nitong kotse sa Brgy. Lundag, Merida, Leyte.
Nadiskubre ng mga residente ang insidente Huwebes ng madaling araw kung saan nakitang nasusunog sa gilid ng kalsada ang isang dilaw na kotse.
Agad nagresponde ang mga tauhan ng Merida police at nang suriin ang sunog na sasakyan, bumulaga sa loob ang sunog ding katawan ng biktima.
Ayon sa mga residente, bago nasunog ang kotse, nakarinig muna sila ng sunod-sunod na putok ng baril sa lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, kita pa ang bala nito sa ulo.
Narekober din sa crime scene ang mga basyo ng kalibre 45 baril na hinihinalang ginamit sa krimen.
Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang pagkakilanlan sa biktima at ang motibo sa krimen. (Ronilo Dagos)