Sikat na sikat ngayon ang bansag kay Jose Manalo na “Mayor Jose” na pinauso ng “E.A.T.” sa kanilang “Sugod Bahay Kapatid” segment.
Kaya naman Mayor Jose na ang tawag ngayon ng lahat sa komedyante at Dabarkads member.
Ang tanong ng marami tuloy ngayon, itutuloy ba ni Jose sa totoong buhay na maging totoong Mayor?
Sa mediacon ng “Wow Mali:Doble Tama” na bagong show nina Jose at Wally Bayola sa TV5 ay isa sa naitanong ito sa una na sinagot naman niya agad.
“’Yung tatakbo sa politika, hindi po mangyayari,” diretso niyang sabi.
Pag-amin niya, matagal na raw na maraming nago-offer sa kanya na tumakbo sa politika pero tinanggihan niya.
“Maraming nago-offer. Dati, konsehal, merong Vice Mayor, pero wala, wala talaga, hindi ko linya. Mahirap. Kailangan, ‘yung pinag-aralan mo, mataas. Kailangan, alam mo lahat ‘yung gagawin mo. Hindi ‘yung uupo ka na lang. Hindi pwede, mahirap,” sey ni Jose.
Bilang artista ay nakakatulong din naman daw siya tulad ng ginagawa ng ibang politiko.
“Bilang artista, nagpapasaya tayo, tumutulong, ganu’n din ang mga politiko,” aniya pa.
Sa tanong kung sa tingin niya ba ay nag-level up na ang kanyang career, ayon sa Dabarkads comedian ay never daw niya iyong naisip.
“Mula noong nag-artista na ako, hanggang ngayon, hindi ko pinapakiramdaman na lume-level up o nagle-level up, hindi. Never akong tumitingin sa palakpak ng tao, sa sigawan ng tao,” aniya.
Anyway, magsisimula na magsisimula na ang “Wow Mali: Doble Tama” this August 26 at 6:15 PM on TV5 .Mapapanood every Saturday with same-day airing at 7:00 PM on BuKo Channel.