IPINARAMDAM agad ni Sisi Rondina at ng Choco Mucho Flying Titans ang kanilang lakas matapos kayurin sa apat na set ang Japan squad na Kansai University, 25-17, 25-23, 19-25, 25-22, sa simula ng 2023 VTV Cup International Women’s Volleyball Tournament na nilaro sa Lao Cai, Vietnam kahapon.
Matapos mabigong mawalis sa tatlong set, muntik na namang lumagapak ang Flying Titans sa set four kung saan ay lumamang sila ng anim na puntos, 16-10, pero natapyas ito sa isa nang humarurot ang Kansai ng 12-7 run para sa 23-22 iskor.
Nakatuwang ni Rondina sina Kat Tolentino at Cherry Nunag upang maging matatag ang Choco Mucho kaya naitakas nila ang mahirap na panalo.
Nahawakan agad nila ang top spot ng team standings pero inaasahan nila na mas matinding kalaban ang naghihintay sa kanila sa mga susunod na araw.
Naging matikas si Nunag sa kanyang depensa habang si Tolentino na off the bench ang tumulong sa puntusan kay Rondina.
Makakalaban ng Flying Titans ang tigasing Vietnam National Team 1 sa alas-8 ngayong gabi.
Ginamit ni head coach Dante Alinsunurin sa kanyang starting lineup sina Rondina, Nunag, Des Cheng, Caitlin Viray, Maddie Madayag, Deanna Wong at Denden Revilla.
Pagkatapos makalaban ng Choco Mucho ang Vietnam 1 ay makakatapat naman nila ang Australia bukas (Lunes). (Elech Dawa)