WebClick Tracer

SPORTS

AJ Lim kontra Fertz Verdad sa titulo ng Olivarez netfest

Ginulantang nina dating junior star Alberto ‘AJ’ Lim, Jr. at veteran campaigner Fritz Verdad ang mga karibal sa semifinal round na sina third seed Vicente Anasta at No. 4 Eric Jed Olivarez, ayon sa pagkakasunod, nitong Sabado upang paglabanan ang titulo ng Mayor Eric Olivarez Cup National Open Tennis Championships sa Sucat, Parañaque.

Inararo ni Lim, 24, si Anasta, 6-1, 6-0 upang umusad sa pagtuldok sa matagal nang tagtuyot sa major title samantalang kumayod si Verdad para singitan si Olivarez, 6-7(3), 6-2, 6-2 sa lower half ng 64-player draw ng Group A tournament na presentado ng Dunlop.

Nakatakdang pagrambulan nila ang korona, P50K top purs, tropeo, UTP (Unified Tennis Philippines) at UTR (Universal Tennis) points sa Linggo (Aug. 20) sa Olivarez Sports Center.

Pa-finals, tinagpas ni Lim si Miguel Castillo, 6-1, 6-1, ginitla si No. 6 Noel Damian, 6-1, 6-1, sinibak si No. 11 Loucas Fernandez, 6-1, 6-0, at si Marco Macalintal, na umiskor ng walkover win kay top seed Johnny Arcilla, 6-1, 6-2, sa quarterfinals sa torneo na pinagkakaabalahan ng pamilyang Olivarez, matagal nang tagasuporta ng tennis.

Tinibag ni Verdad, 29, sina Laurenz Quitara, 6-2, 6-1, No. 13 Eury Gaspar, 6-4, 7-5, at nakaisa kay second seed Jose Maria Pague, 6-1, 6-2, saka sinunod si No. 8 Jeleardo Amazona, 6-1, 6-0, para makasulong sa championship ng event na idinaraos sa ilalim ng PPS-PEPP program na binuo ni Palawan Pawnshop president/CEO Bobby Castro.

Samantala, sinorpresa ni John Benedict Aguilar si top seed Vince Serna, 6-2, 6-4, habang tinaob ni Lexious Cruz si No. 3 Ivan Manila, 7-5, 1-6, 10-4, para magmartsa sa boys’ 18-and-under finals.

Tinumba naman ni Stefi Aludo si Glydel Guevarra, 6-3, 6-0, para selyuhan ang pakikipagtutos sa korona kontra No. 3 Joy Ansay, na winalis si second rank Alecsa Ilano, 6-0, 6-2, sa girls’ division. (Ramil Cruz)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on