Pumalag si 1-Rider party-list Rep. Bonifacio Bosita sa pahayag na inilabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kaugnay ng paggamit ng mga motorcycle rider sa bike lane sa EDSA.
“Base sa post ng MMDA nitong nakaraang araw na ating mababasa at makikita, mga motorcycle riders lamang ang tinutukoy nilang lumalabag sa bicycle lane na kanilang huhulihin at pagmumultahin ng P1,000,” sabi ni Bosita sa post na nakalagay sa Riders Safety Advocates of the Philippines.
“Hindi nila pinapansin ang kaparehong paglabag ng ibang mga motorista,” sabi pa sa post.
Ang tinutukoy ni Bosita ay ang post ng MMDA sa Facebook page nito na nagsasabing “Ang bicycle lane ay inilaan para sa mga cyclists o nagbi-bisikleta, hindi para sa mga motorcycle riders.”
“Ang ganyang gawain ng MMDA sa pagpapatupad ng Batas ay maituturing na katiwalian at diskriminasyon na hindi natin dapat payagan,” sabi pa ni Bosita.
“Bantayan natin ang mga kamote sa pagpapatupad ng Batas para ma-obliga sila na gawin ang tama at patas para sa lahat!” dagdag pa ng mambabatas. (Billy Begas)