Pangungunahan ni Senadora Cynthia Villar ang imbestigasyon sa mga reclamation project sa Manila Bay.
Ayon kay Villar, chairperson ng Senate committee on environment, natural resources and climate change, kanyang iimbitahan ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Reclamation Authority (PRA) para magpaliwanag ng kanilang panig.
Subalit hindi umano niya pakikialaman ang ibang isyu ng mga local government unit (LGU) kung hindi nila ipipresenta sa Senado ang kanilang kaso.
“The problem with reclamation is that it was initiated by the local government, right? How can I interfere in other local governments? I can only interfere near my place. That’s why I hesitate,” sabi ni Villar sa isang forum sa Maynila.
“But I’ll do the hearing and let the DENR and the PRA talk. I’ll do the hearing, but I’m sorry I cannot interfere in other places’ (concerns),” dagdag niya.
Ayon pa kay Villar, na taga-Las Piñas City, nakahandang siyang mag-lobby na itigil ang reclamation projects sa kanilang lungsod.
Aniya, may dalawang proyekto sa Parañaque City, isa sa Las Piñas at dalawa sa Bacoor, Cavite na nagsasapawan.
Sabi pa ni Villar, nakiusap na siya sa DENR sa mga nagdaang taon na pag-aralan ang epekto ng reclamation project sa kalikasan bago pa man nilubog ng baha ang Bulacan, Pampanga noong nagdaang buwan. (Dindo Matining)