WebClick Tracer

NEWS

COA binuking PhilHealth sa halos tripleng sahod

Nadiskubre ng Commission on Audit (COA) na halos triple ang sahod at benepisyo ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong 2022 na umabot sa kabuuang P72.244 milyon.

Sa Notes to Financial Statements na kasama sa 2022 audit report sa PhilHealth, kasama sa kabuuang halaga ang suweldo at sahod ng mga opisyal na nagkakahalaga ng P71.450 milyon at terminal benefits na nagkakahalaga ng P794,063.

Napansin umano ng COA na noong 2021, ang kabuuang suweldo at sahod ng mga key management personnel ng ahensiya ay nasa P26.202 milyon lamang, na walang mga benepisyo sa terminal.

Ang key management personnel ay tumutukoy sa executive team, mula sa senior vice president hanggang sa president at chief executive officer.

Samantala, umabot naman sa P4.972 bilyon ang suweldo at iba pang benepisyo ng mga ordinaryong empleyado noong 2022.

Noong 2021, ang total personnel services, kabilang ang mga suweldo, iba pang kompensasyon at statutory contributions ay umabot sa P4.277 bilyon.

Pinadalhan na umano si PhilHealth president at CEO Emmanuel Ledesma ng kopya ng audit report noong Hulyo 31, 2023.

Si Ledesma ang hinirang na PhilHealth chief ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

(Dolly Cabreza)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on