WebClick Tracer

OPINION

Nagpaalam na si Ka Mario Casayuran

Nakilala ko si Ka Mario (Mario Casayuran sa tunay na buhay) nang mapadpad ako sa Senado bilang beat reporter ng DZXL-RMN Manila taong 2001, halos isang buwan matapos mailipat mula sa KAMARA patungo rin sa naturang institusyon ang noon ay political reporter at chief of reporters ng Abante na si dating Usec Rey Marfil na ngayon ay presidente na ng aming kumpanya.

Naikuwento rin sa akin ng aming general manager at dating political reporter ng PDI na si Gil Cabacungan na may mga pagkakataong nagkakabiruan din daw sila ni Ka Mario kahit pa nga parehong seryoso sa buhay at may pagkaisktrikto ang kanilang personalidad.

Matikas na matikas noon si Ka Mario, slim ang pangangatawan pero halatang maalaga sa sarili kapag nakakuwentuhan mo na, medyo suplado sa una pero kapag nakagaanan mo ng loob ay pasekreto kang bibigyan ng istorya sabang bulong na “ikaw lang binigyan ko niyan.”

Bilang batikang reporter ng Manila Bulletin at matagal na ring na-assign sa larangan ng politika, marami akong natutunan kay Ka Mario gaya lamang ng kung paano magcover sa mga committee hearings, paano ang proseso ng pagpasa ng isang panukalang batas at marami pang iba.

Parang ama sa anak kung makipag-usap sa mga nakakabatang beat reporter na nakatalaga sa Senado at kitang kita ang dedikasyon sa trabaho dahil tila hindi niya alintana ang distansiya ng inuuwian buhat sa gusali ng Senado araw-araw.

Sanay na sanay at bihasang bihasa sa pagsusulat gamit ang typewriter, natutong mag-computer, mag-print at mag-fax hanggang sa mag-email at sa mas makabagong panahon ng internet at social media ay hindi nagpahuli si Ka Mario sa kabila ng agwat ng edad niya sa amin.

Pero dahil nga lahat ay mayroong hangganan, si Ka Mario ay pumanaw nitong nakaraang Agosto 21 habang ang sambayanang Pilipino ay gumugunita sa pagpaslang kay dating Senador Ninoy Aquino.

Sa mga impormasyon na aking nakalap, nagpalaboratory test lamang daw si Ka Mario nang makaramdam ng pananakit ng tiyan kaya pumasok sa CR pero hindi na nga siya lumabas hanggang sa mapilitan ang ibang tao na puwersahang buksan ang pinto at doon ay nakita siyang nasa hindi na magandang kalagayan.

Para sa akin, si Ka Mario ay isang true fighter dahil nga rin sa dami nang pagsubok na dumaan sa kanyang buhay mamamahayag at maging sa personal pero ‘ni minsan ay hindi ko siya nakitang pinanghinawaan ng loob na ang mga ito ay malabanan at malagpasan.

Si Ka Mario ay isang kongkretong halimbawa ng mga katagang “this too shall pass” na ngayon ay kabilang sa mga ginagamit kong gabay para malampasan ang ang mga pagsubok sa buhay.

Hanggang sa dulo, pinilit niyang huwag nang mang-abala sa nakakarami.

Paalam Ka Mario…

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on