Salamat naman nagising ang Department of Environment and Natural Resources DENR at ipinatigil pansamantala ang lahat ng reclamation project sa Manila Bay.
Ayon kay Environment Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga, bumuo siya ng team para i-review ang lahat ng “ongoing reclamation projects.”
Ayon naman kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, pabor siya na silipin ang kontrata ng lahat ng mga reclamation project, lalo na sa Metro Manila.
Dagdag pa ni Remulla, mukhang minadali ang pag gawad ng mga proyekto at tila walang ‘public hearing’ na naganap.
Ang kawalan ng public hearing o konsultasyon, tulad ng pahayag ni Sec. Boying, ay maituturing na harang.
Sila-sila lang ang nag-usap at initsapwera ang taong-bayan sa pagde-desisyon kung ang proyekto ay maganda o makasasama sa kapaligiran.
Nasa pangangasiwa ng Philippine Reclamation Authority ang mga proyekto.
Bago mahuli ang lahat, siguro Madam Secretary Yulo at Secretary Boying, ipagbawal na ang reclamation sa Manila Bay.
Ang reklamasyon, anumang siyensa na susuporta dito ay delikado- dahil bukod sa nasisira nito ang ecosystem o ang natural na cycle ng mga buhay na organismo at di-buhay sa ating kapaligiran – ang banta ng ‘climate change’ ay nariyan.
Kung hindi pa nagkaroon ng malawakang pagbaha kamakailan, hindi masisilip ang kaliwa’t-kanang pagtatabon sa Manila Bay na hindi lamang ang buong Metro Manila ang naapektuhan kundi ganon na rin ang mga karatig lugar tulad ng Bulacan, Pampanga at iba pang bahagi ng Central Luzon.
Sa biglaan, marahil ay kapaki-pakinabang ang mga reclamation project. Magbibigay kita sa gobyerno at iba pang stakeholders, subalit sa pangmatagalan, ano kaya ang epekto nito sa kapaligiran?
Sa report nga ng global risk index, ang Pilipinas ay number -1 pagdating sa ‘vulnerability’ dahil matatagpuan tayo sa tinatawag na ‘ring of fire at typhoon belt area.’
Ang Pilipinas ay nasa rehiyon na malimit ang paggalaw ng lupa. Mahina man subalit, kung regular ang mga pagyanig ng lupa tiyak may epekto ito sa kailaliman.
Kung ang mga solid na lupa ay nagkakaroon ng bitak, lalo na kung may kalakasan ang lindol, paano pa kaya ang mga lupa ng nabuo dahil lamang sa pagtatabon o ‘reclamation?”
Bakit kailangan magkaroon ng reclamation sa Manila Bay? Kulang ba ang mga lupang paglalagyan ng proyekyong pang-komersiyal?
Dapat lang tuldukan ang lahat ng reclamation project sa Manila Bay, bago pa mahuli ang lahat.