WebClick Tracer

NEWS

Marcos bet palakasin military exercise sa Australia

Inaasahang magiging tampok sa pulong nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Australian Prime Minister Anthony Albanese ang usapin sa pagpapalakas ng depensa at seguridad ng dalawang bansa.

Sa ambush interview sa Pangulo sa San Antonio, Zambales, Biyernes ng umaga (Agosto 25), sinabi nitong pag-uusapan nila ang pagpapatuloy ng joint military exercises ng dalawang bansa upang paigtingin ang kanilang puwersa.

Nagtungo si Pangulong Marcos sa Zambales upang panoorin ang amphibious exercise na isinasagawa sa Naval Station Leovigildo Gantioqui.

“I think we would be discussing for sure also the continuation of this kind of exercises to increase the capabilities again of our forces. Alam naman ninyo `pag maganda ang koordinasyon lalo na sa military, napakalaki ng multiplier effect and that’s why it is important that we continue that,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Nakatakdang bumisita si Albanese sa Pilipinas sa darating na buwan ng Setyembre.

Inaasahan din ni Pangulong Marcos na magkaroon ng mga bagong estratehiya, ideya at kasunduan para sa pagpapalakas ng partnership ng Pilipinas at Australia ss nakatakdang pagkikita nila ni Albanese sa susunod na buwan.

Pinasalamatan din ng Pangulo ang Australian Defense Force sa paglahok sa ginanap na amphibious exercise sa Zambales.

(Aileen Taliping/Prince Golez)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on