Nasamsam ng mga awtoridad ang humigit-kumulang sa P1.3 bilyong halaga ng hinihinalang shabu sa parking area ng isang supermarket sa Brgy., Camachiles, Mabalacat City, Pampanga alas-2:00 ng madaling araw nitong Biyernes.
Ayon sa report, nadiskubre ng mga tauhan ng NBI- Anti-Illegal Drugs Task Force Division (NBI-TAIFD) at Mabalacat City police ang mga iligal na droga na nasa loob ng isang pulang abandonadong sasakyan sa parking area ng isang kilalang pamilihan, sa nakalipas na anim na araw.
Sa ulat ng NBI-TAIFD, nabatid na ang packaging ng mga kontrabando ay katulad ng P11 bilyong halaga ng shabu na nasabat din nila sa Quezon province sakay ng anim na van, dalawang taon na ang nakararaan.
Idinagdag pa ng narcotic agent na halos pareho ang packaging ng mga iligal na droga na hinihinalang shabu sa mga tea bag sa mga naunang nakumpiskang iligal na droga, ngunit may ibang kulay.
“Initial inventory it’s estimated to be around 200 kilos of illegal drugs worth billions based on estimated street price of P5 million per kilo’’ saad ng isang ahente ng NBI anti-narcotics sa Bilyonaryo.
“Apart from the origin of the illegal drugs, a part of the investigation will touch on why the local police did not act on the mall security report on the unclaimed van for six days,” sambit pa ng Narc agent.
Matatandaang 13 Pampanga police ang inakusahan ng pagnanakaw ng humigit-kumulang 160 kilo ng shabu mula sa operasyon noong 2013 sa isang hinihinalang Chinese drug lord at naging subject sa pagdinig ng Senado noong 2018. (Nancy Carvajal/Ronilo Dagos/Rudy Abular)