Mistulang nagkatotoo ang kasabihang “naghangad ng kagitna, isang salop ang nawala” sa pinag-aagawang teritoryo ng Makati City at Taguig City.
Ganito ang pananaw ng ilang nasa legal profession sa sinapit ng Makati City kung bakit nawala kanilang hurisdiksyon ang sampung Embo barangay.
Sa Facebook post ni Atty. Darwin Canete, prosecutor at kilalang blogger, aniya kung tinanggap lamang ng Makati government ang desisyon ng Korte Suprema na hurisdiksyon ng Taguig ang 240 ektaryang Bonifacio Global City (BGC), hindi na sana madadamay ang sampung Enlisted Mend Barrio (EMBO) na kinabibilangan ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Post Proper Northside at Post Proper Southside, na sa kabuuan ay nasa 729-hectare.
Nang maghabol ang Makati sa BGC na ayon sa kanila ay sakop ng Makati, naghain ng petisyon ang lokal na pamahalaan ng Taguig noong 1993 sa Pasay City Regional Trial Court—ang Civil Case No. 63896 na “Judicial Confirmation of the Territory and Boundary Limits of [Taguig] and Declaration of the Unconstitutionality and Nullity of Certain Provisions of Presidential Proclamations 2475 and 518, with Prayer for Writ of Preliminary Injunction and Temporary Restraining Order.”
Matatandaang 2011 nang manalo ang Taguig sa RTC. Hindi naman sumuko ang Makati at iniakyat nila ang kaso sa Court of Appeals kung saan nanalo sila noong 2013. Kaya naman sa tag-isang panalo ng Taguig at Makati ay nag-umpisa na ang umaatikabong word war sa pagitan ng dalawang lungsod.
Nang sumikat ang BGC, lalo naman sumidhi ang pagnanasa ng Makati na makuha ito dahil malaking source of income ito para sa pamahalaan ng Taguig.
Dahil din sa desisyon ng Court of Appeals, si dating Makati City Mayor Junjun Binay ay nagsabing ite-takeover na nito ang BGC. Nagsurprise visit pa siya sa Taguig City Hall at nag-alok ng income sharing deal para sa Fort Bonifacio.
Hindi ito nagustuhan ni Mayor Lani Cayetano at sinabihan nito si Mayor Junjun na maging resposable sa binibitawang mga pahayag dahil hindi pa pinal ang desisyon at hindi pa umaakyat ang legal na usapin ng BGC sa Korte Suprema.
Naghain ng apela ang Taguig sa desisyon ng Court of Appeals at napatunayang guilty sa forum shopping ang Makati City. Pero hindi pa rin tumigil ang Makati City sa pangunguna ng pamilya Binay.
Iniakyat ng Makati ang usapin sa Korte Suprema. Sa halip na katigan ang Makati, naglabas ng pinal na kautusan ang Supreme Court—final and executory—na ang BCG ay saklaw at sakop ng Taguig.
Sa kautusan ng SC, ang BGC at ang sampung barangay EMBO ay nasa hurisdiksyon ng Taguig.
Pero sa halip na sumunod ay nagmamatigas pa rin ang Makati at hindi talaga nila mabitiw-bitiwan ang EMBO barangays kaya pati mga paaralan na sakop nito ay naapektuhan na sa agawan.
Ang ginagawang hakbang ng Taguig na pagtakeover sa EMBO barangays ay alinsunud lamang sa utos ng SC dahil sila ang nanalo matapos ang 30 taong legal na isyu. Pero iyon nga, para sa Makati ay hindi pa rin tapos ang usapin.
Para sa atin,sSa halip na makipag-agawan sa karapatan, dapat nang magpaubaya ang Makati at tulungan ang Taguig para sa maayos na transisyon.
Natanggap na ng lahat na ang BGC at EMBO barangays ay sa Taguig. Nakahanda na nga ang mga ahensiya ng gobyero tulad ng Department of Education, Department of Interior and Local Government, Department of Budget and Management, Philippine National Police, Department of Health para mailipat ang kanilang operasyon mula Makati patungong Taguig. Maging ang Commission on Elections ay naghahanda na rin sa paglilipat ng mga botante mula Makati tungo sa Taguig para sa nalalapit na Barangay at SK elections. Kaya naman masasabing handa na ang lahat at hindi na dapat pang hinaharang pa lalo na’t SC na ang nagbaba ng desisyon.