WebClick Tracer

METRO

3 tanod tigok sa aburidong OFW

Patay ang tatlong barangay tanod matapos silang pagbabarilin ng isang dating Overseas Filipino Worker (OFW) na iimbitahin lang sana nila sa barangay dahil sa sumbong na pambubugbog sa kanyang kapitbahay sa Cainta, Rizal noong Sabado.

Kinilala ni Police Major Jake Cariño, officer in charge (OIC) ng Cainta Municipal Police Station (MPS) ang mga nasawing biktima na sina Romeo Cortez, 55, Roberto Donor, 51, at Ronnie Gonzales, 58, pawang ==mga tanod ng Barangay San Juan ng nasabing bayan.

Samantala, napatay din ng rumispondeng mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Cainta MPS ang suspek na nakilalang si James Jazmines, 68 anyos at dati rin umanong miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) nang tangkain pa rin nitong lumaban matapos ang anim na oras na negosasyon para sa kanyang pagsuko.

Sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Myrtle st. Greenland Subd., bandang alas 3:40 nang hapon.

Nauna dito, rumisponde ang mga biktima sa lugar dahil sa sumbong ng kapitbahay nitong si William Celestino na binugbog siya ng suspek.

Iimbitahan sana ng mga tanod ang suspek sa kanilang barangay para magpaliwanag sa pananakit nito kay Celestinoi pero pagtapat ng mga ito sa bahay ay lumabas ang suspek na armado ng mahabang kalibre ng baril at pinagbabaril ang mga tanod.

Samantala, nakabulagta pa ang mga bangkay sa kalsada habang nasa loob na ng kanilang bahay ang suspek nang dumating ang mga nagrespondeng pulis.

Sinikap ng mga miyembro ng SWAT na mapasuko ito pero nagmatigas ang suspek hanggang tumagal ang negosasyon ng pasado alas-nuwebe nang gabi.

“Ginamit namin lahat ng option namin, remedy namin, pero wala talaga, hindi na talaga sumuko, nagmamatigas na talaga siya,” pahayag ni Cariño.

Dito na napilitang pasukin ng SWAT team ang bahay ng suspek na agad silang pinaputukan kaya gumanti ng putok ang pulisya na ikinasawi ni Jazmines.

Sinabi ni Cariño na walang criminal record ang suspek at ayon sa anak =nito ay dumaranas ng depresyon ang kanyang dahil sa problema sa trabaho at pamilya.(Edwin Balasa/Ronilo Dagos)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on