WebClick Tracer

SPORTS

Arrina Maglana 3 korona sa PPS Maragusan netfest

Niladlad nina Arriana Maglana (kaliwa) at Vancidrik Rosalinda ang kanilang mga tropeo sa pagsosyo sa MVP honors sa siklab ng three-leg Davao region netfest swing sa Maragusan.

Dalawang ulit tinumba ni Arriana Maglana si doubles partner Lorraine Alegria samantalang pumoste ng tagumpay at segunda si Vancidrik Rosalinda para maging pinakamakinang sa natapos nitong Linggo na PPS-PEPP Mayor Angelito Cabalquinto National Tennis Championships sa Maragusan Municipal Courts sa Davao de Oro.

Lumusot si Maglana sa dikdikang first set at nanalasa sa sumunod sa pagtaob kay Alegria sa 12-and-under finals, 7-6(6), 6-0, dinomina niya ang kapwa tubong Maragusan sa 14-and-U title, 6-1, 6-0.

Pagkaraan tinumba nila ni Alegria sina Camille Clar/Princess Placa, 8-2, sa girls’ 14-and-U doubles finals para mag-isang maging “triple” winner sa Group 2 event, na una sa tatlong torneong nakalinya sa Rehiyon ng Davao.

Davao Oriental ang magiging abala sa PPS-PEPP (Palawan Pawnshop-Palawan Express Pera Padala) leg sa Aug. 31-Sept. 4 habang ilalarga ang Tagum City Championships sa Sept. 7-11 sa Davao del Norte. Para sa mga detalye pa at pagpaparehistro, kontakin si event organizer Bobby Mangunay sa 0915 404 6464.

Sinungkit ni top-seeded Rosalinda, na taga-Maragusan din, ang boys’ 14-and-U title sa 6-3, 6-0 pagdemolis kay Rodney Montenegro, pero sinilat siya ni unranked Ian Gayem ng Davao City sa 16-and-U finals, sa come-from-behind 2-6, 6-4, 10-8.

Pero ang pagtapos ng 1-2 ni Rosalinda ang nagsalo sa kanya sa MVP honors kay Maglana sa isang linggong netfest na presentado ng Dunlop at parte ng PPS-PEPP junior program ni Palawan Pawnshop president/CEO Bobby Castro.

Namayagpag sina Chelsea Bernaldez at Randy Pausanos sa premier 18-and-U category kung saan sinilat ng una mula sa Tagum City, si top seed AJ Acabo, 5-7, 6-1, 10-8, para sa girls’ crown at ang huli, na buhat sa Isulan, Sultan Kudarat, halos walisin si Mark Lacia, 6-1, 6-1, sa boys’ final.

Unang kinopo ni Acabo ng Olutanga, Zamboanga Sibugay, ang 16-and-U trophy sa paglusot kay Bernaldez, 6-4, 4-6, 10-7, habang ginitla ni second seed Matt Docena na mula rin sa Maragusan, si No. 1 Vanizer Acabo sa boys’ 12-and-U final sa kaganapang mga pinadrinuhan ng ProtekTODO, PalawanPay, Unified Tennis Philippines at UTR (Universal Tennis Rating).

Ginimbal din ni No. 3 Kresthan Belacas ng M’lang, North Cotabato, si second ranked Jaycee Compa, 4-0, 4-2, upang sungkitin ang 10-unisex diadem.

Iniuwi nina AJ Acabo/Faith Lazaro ang 16-and-U title sa pagposte ng 8-2 panalo sa karibal; hinablot nina Docena at Nico Puertos ang boys’ 14-and-U doubles sa 8-7(3) eskapo kinar Rein Hayana/Kendrick Migue, habang pinigilan nina Gayem/Sam Jamili sina Lucky Antiola/Lacia, 8-4, para sa tropeo ng 18-and-U.

Nakipagpareha rin si Belacas kay Maria Dimzon para hakbangan sina Compa/Keith Mamaba, 8-2, sa 10-unisex doubles final. (Ramil Cruz)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on