WebClick Tracer

LIFESTYLE

Si Booma sa likod ng camera

Julius Segovia

Bukod sa pamosong linyang ‘Hindi namin kayo tatantanan!’ ng beteranong newsman na si Mike Enriquez o mas kilala ng mga katrabaho at malalapit sa kanya sa bansag na ‘Booma”, tanyag din siya sa katagang ‘Excuse me po!”

Marami ang nagtatanong, bakit daw ba laging nauubo si ‘Booma’ kapag nagbabalita?

Ang totoo, mahilig siyang kumain ng mani – ayon ‘yan sa kanyang production assistant. We have to realize, dinner time ang airing ng flagship news program ng GMA na 24 Oras. Hindi natutulog ang balita, pero ang mga tagapagbalita – nagugutom at kumakain din.

Every time na si Tita Mel (Tiangco) o ibang anchor ang nagbabasa ng news item, time for ‘Booma’ to eat. Dahil mani ang kanyang favorite na kutkutin, no wonder – lagi siyang nauubo.

Mahilig din sa kape si ‘Booma’. Hindi ko ata siya nakita nang walang bitbit na cup of coffee kapag naglalakad sa GMA compound.

Bilang host ng programang Imbestigador sa GMA, kilala ng publiko si ‘Booma’ na matapang, may paninindigan, at walang inuurungan.

Pero lingid sa kaalaman ng nakararami, si ‘Booma’ ay mabait, mapagkalinga at maaruga sa kapwa.

Kahit saang sulok ng GMA compound ka niya makita, hindi puwedeng hindi ka niya tapikin sa balikat, sabay kumusta sa’yo.

‘Julius, anong balita?’, ‘yan ang karaniwang bungad niya. Ako pa nga ang nahihiya sa kanya noon. Dahil haligi siya sa larangan ng pamamahayag, parang nangingimi akong lumapit o kausapin man lang siya.

Pero kailanman, hindi niya ipinaramdam sa aming mga katrabaho niya na tinitingala, at sikat siyang broadcast-journalist.

Mahigit isang dekada rin akong nagtrabaho sa Kapuso Network bilang field reporter.

Hindi mabilang sa daliri kung ilang beses akong nag-live report sa mga programang si ‘Booma’ ang anchor, mapa-radyo man o TV.

Sa totoo lang, dinadaga ang dibdib ko sa tuwing magbabato ako ng istorya kay ‘Booma’. Hindi kasi puwedeng wala siyang tanong sa dulo ng aking report.

Pero ang mga tanong n’ya, very common naman. Tipong nagtanong lang siya for clarification. Nasa Valenzuela ako noon for a fire coverage – ang tanong ni ‘Booma’, ‘Nag-aapoy pa ba?’ Ang background ko noon, naglalagablab pang factory. Nangingiti kong sagot, ‘Mike, gaya ng nakikita mo sa aking likuran, hindi pa rin naaapula ang apoy.’

Salamat sa mga alaala at inspirasyon, ‘Booma’!

Paalam.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on