Isang mangingisda ang nalunod matapos lumubog ang bangka nito dahil sa malalaking alon sa karagatan ng Tayabas Bay sakop ng Mulanay, Quezon.
Ayon sa Mulanay police, nangyari ng insidente noong Martes ng hapon.
Batay sa imbestigasyon, alas-6:30 ng umaga nang lumaot ang biktimang si Marlon Planas Ormacido, mula sa Brgy. 4 Poblacion Mulanay, upang mangisda.
Subalit alas-2:30 ng hapon, ay hinambalos ito ng malalaking alon sa laot dulot ng malakas na hanging habagat.
Agad nagsagawa ng rescue operation ang mga lokal na mangingisda, sinagip ang biktima at itinakbo ito sa ospital subalit idineklara na itong dead on arrival. (Ronilo Dagos)