Inihayag ng dalawang mambabatas na kanilang pinag-aaralan na ngayon ang posibleng pagbabago sa mga regulasyon kaugnay ng pagmamay-ari ng baril ng mga aktibo gayundin ng mga retirado nang pulis at sundalo.
Kasunod ito ng insidente ng road rage sa Quezon City kung saan sangkot ang isang dating pulis na kinasahan ng baril ang isang biker.
Isang resolusyon ang inihain sa Kamara upang paimbestigahan ang dumarami umanong kaso ng pananakit sa mga two-wheeled rider. Inihain nina 1-Rider party-list Representatives Rodge Gutierrez at Bonifacio Bosita ang House Resolution No. 1231 upang makagawa umano ng mga hakbang para maging ligtas ang lansangan.
Hiniling ng mga mambabatas ang pagsasagawa ng joint investigation ng House committees on justice at public order and safety.
Giit ni Gutierrez na hindi ito isang isolated incident lang.
“It is important to keep the roads, specifically riders and cyclists, safe from these abuses that happen on a regular basis by strengthening the current laws and regulations in place to ensure that incidents of this kind no longer occur,” sabi pa sa resolusyon.
Inaaral na rin umano nila ang mga posibleng pagbabago sa gun regulations, o kaya ang paghihigpit ng parusa sa mga abusadong aktibo at retiradong mga alagad ng batas.
(Billy Begas/Eralyn Prado)