Patong-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng may-ari ng nasunog na pabrika na nag-iimprenta ng mga t-shirt matapos masawi ang 12 mga factory worker, at tatlong iba pa na sa subdivision sa Tandang Sora, Quezon City, nitong Huwebes.
Ito ay makaraang malaman ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na walang building permit ang nasabing estalisyimento na umano’y isang paglabag sa ‘Building code’ ng QC LGU kaya pananagutin ito ng mayor.
Ayon kay Belmonte, pinaiimbestigahan na rin niya ang iba pang mga paglabag matapos na hindi idineklara ng may-ari ng pabrika ang tunay na status ng negosyo nito.
Sinabi ni QC City Legal head Atty. Niño Casimiro, posibleng maharap sa mga kasong paglabag sa Fire Code at Building Code ang may-ari ng establisyimento.
Nitong Huwebes ng umaga sumiklab ang sunog sa No. 68 Kenny Drive, Pleasant View, Brgy. Tandang Sora, na ginawang pabrika sa pag-imprenta ng mga t-shirt na ikinasawi ng 15 katao. (Dolly Cabreza)