WebClick Tracer

NEWS

Pulis, sikyo nagkainitan sa lupa ng abogado ni Degamo

Nagkagirian ang mga miyembro ng Quezon City Police District at mga security guards na nagbabantay sa 7 ektaryang lupa sa 14th Street, New Manila, Quezon City kahapon ng hapon.

Ayon sa ulat ng TeleTabloid, pinag-aagawan ang naturang lupa ng biyenan ni Atty. Levito Baligod na sina Marlina Veloso-Galenzoga at ng Titan Dragon Properties.

Si Atty. Baligod ay abogado ng pamilya-Degamo sa kasong ng pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.

Nagkaroon umano ng girian nang pigilan ng mga security guard ang mga pulis na magpapatupad ng “Break-Open” order na inilabas ni Quezon City Regional Trial Court Branch 88 Judge Ralph Lee.

Lalong tumaas ang tensyon nang mag-warning shot ang isang guwardiya sa mga pulis na pilit pumapasok sa property.

Una nang nag-isyu ng “Break-Open” order si Judge Lee noong Miyerkules, Agosto 30, laban kay Veloso-Galenzoga.

Inutusan ng hukom ang biyenan ni Baligod na isuko ang kanilang pagmamay-ari sa nasabing lupain.

Gayunman, agad itong inapela ng kampo ni Veloso-Galenzoga sa Court of Appeals (CA) upang mapigilan.

Samantala, nanindigan si Atty. Baligod na ngayong nasa CA na ang kaso, marapat lamang na suspendihin muna ng mababang korte ang kahit anong proceedings na may kinalaman sa kaso.

Kinuwestiyon din ni Atty. Baligod ang rason kung bakit nag-isyu si Judge Lee ng nasabing kautusan.

Ayon kay Baligod, si Lee ang assigned judge ng Branch 88 ng Quezon City kaya’t kuwestiyonable ang kanyang pakikialam dahil ongoing ang kanilang kaso sa Branch 92.

Natapos ang tensyon nang umalis ang mga pulis pasado alas-sais ng gabi. (IS/Andrea Salve)

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on