Hindi maitago ni KC Concepcion ang excitement sa concert ng mga magulang niya na sina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion sa October 27 sa SM MOA Arena. Ito’y pinamagatang ‘Dear Heart The Concert.’
Sa panayam ni KC sa podcast na ‘Updated with Nelson Canlas’ ang dami raw niyang nami-meet na mga Sharon-Gabby fan mula pa noon at mas alam ang kuwento ng mga magulang niya. Kaya nang mag-usap daw sila for the concert ng posibleng gagawin niya, nasabi raw niya na parang mas magandang manood na lang siya.
“Puwede bang maupo na lang ako sa audience? Kailangan kong matutunan ang history ko. Kailangan kong maintindihan kung saan ba ko galing. Ang daming ikinukuwento sa akin na hindi ko alam. Nangyari pala ‘yon,” natatawang sabi niya.
Sabi ni KC, ang concert daw nina Sharon at Gabby ay big revelation para sa kanya.
Biniro ni Nelson si KC at baka siya raw talaga ang producer ng concert ng parents niya. Pero natatawa ito na sinabi na, “No, hindi naman.”
Anyway, kung ano ang gagawin niya sa ‘Dear Heart The Concert,’ pinag-uusapan pa raw nila.
“Meron kaming final, final meeting for the concept. Pero, marami na rin naman kaming nagawa to build the script. In fact, this is really their concert.”
Pero si KC raw kasi ang link kaya dapat talaga na nando’n siya.
“Oo nga e, hindi ko nga na-realize ang role ko until kinausap nila ‘ko about the concert. In the works, pero ready na. Kahit bukas na.”
Ayon pa kay KC, hindi pa raw nagkikita ang mga magulang niya kahit nagpi-prepare na for the concert.
At sey pa niya, “Siguro hindi pa rin sila magkikita until sa later time na. Kahit sa photo shoot ng concert, hindi sila nagkita.”
‘Yun nga lang, may pabirong reklamo si KC na parang mas younger looking pa raw ang mommy niya ngayon kesa dati.
“Sabi ko, paano maniniwala ang tao na anak niyo ko! She looks so much younger than ever. She’s so beautiful. Kasi nga nagpapayat, healthy living. Gandang-ganda ko sa nanay ko talaga. Lalo na sa concert stage, gandang-ganda ko sa kanya. ‘Yung favorite version ko ng mommy ko is the concert version.” (Rose Garcia)