Sino raw itong senador na sinupalpal ang sarili niyang staff matapos mangamote sa posisyong inaambisyon?
Kuwento ng isang impormante kay Mang Teban, parang aswang daw itong staff dahil sa taas ng lipad o ambisyon para makuha ang inaasam na posisyon.
Kabilang sa kanyang ginawa ay siraan sa kanilang boss ang kasamahan sa trabaho na humahawak ng pinakaaasam niyang posisyon. Kasama sa bulok niyang style ay mag-imbento ng kung ano-anong mga kasinungalingan para lamang mawakwak ang imahen ng kanyang colleague sa kanilang amo.
Kahit maliit na isyu ay palalakihin daw nitong staff at babaligtarin pa ang kanyang kasama para bandang huli ay magalit ang kanilang principal at kalauna’y sibakin sa kanyang puwesto.
Dahil nagtagumpay ang ganid na staff sa kanyang plano, iprinesenta nito ang kanyang sarili sa kanilang amo na hawakan ang naturang bakanteng posisyon.
Subalit noong hawakan na niya ang posisyon, puro sermon naman ang inabot nito sa kanyang boss dahil hindi magampanan nang maayos ang posisyon na matagal na niyang inasam, in short nangamote!
Parang nagsisi pa raw ang senador kung nasibak niya ang dating staff. Hindi kasi epektib sa kanyang trabaho itong pumalit hindi tulad ng dating namumuno na mas may alam kumpara sa kanya na ang alam lang yata ay maglunsad ng fake news sa kanyang boss.
Clue: Ang staff na magaling manira para lang makuha ang inaasam niyang posisyon ay may letrang N sa kanyang pangalan habang ang senador ay puwedeng i-relate sa buwan.