Nasawi ang isang 60 anyos na ama matapos itong bugbugin ng sariling anak sa kanilang bahay sa Purok Saging, Sitio Mohon, Barangay Colonia, Tuburan, Cebu noong Sabado ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Jonathan De Asis Ruiz.
Ayon sa report ng Tuburan police, galing sa inuman ang biktima at lasing na umuwi sa kanilang bahay.
Nagsisigaw umano ito na siyang ikinagalit ng 27-anyos niyang anak na kinilalang si Jerson Ruiz y Atis.
Pinagmumura pa umano ng biktima ang anak nagbunsod para bugbugin ito ng huli
Dahil sa mga tinamong suntok, bumagsak ang tatay at nagtamo ng pinsala sa ulo na siyang agarang ikinasawi nito.
Kasama ang kanyang nanay, kusang loob namang sumuko sa pulisya ang anak na nakatakdang sampahan ng kasong parricide. (Ronilo Dagos)