WebClick Tracer

LIFESTYLE

Aye Aye, Sir!

Julius Segovia

Mahigit isang dekada na akong nagte-train ng mga campus journalist mula sa iba’t ibang panig ng bansa na sumasali sa campus journalism press conference ng  Department of Education.

 
Karamihan sa mga sinasanay kong mag-aaral, nasa puso ang larangan ng pamamahayag. Kaya pagtuntong ng kolehiyo, Communication-related ang karaniwan nilang kurso.  
 
Pero may iba rin namang napapadpad sa ibang linya gaya ng engineering, accountancy at medical courses.
 
Ibahin n’yo ang campus journalist na si Eugene Mancio mula sa Amadeo, Cavite. Sa edad na 16, buo na ang loob na pasukin ang maritime industry.
 
Maagang namulat si Eugene sa mundo ng pamamahayag. Photojournalism at Radio Broadcasting ang mga kategoryang kanyang sinalihan noong nasa elementary at junior high school siya. Take note – hindi lang siya basta campus journalist dahil sa bawat contest, lagi rin siyang may uwing pagkilala.
 
Sa kabila ng pagkahumaling niya sa broadcast-journalism, mas matimbang pa rin daw sa puso niya ang maglayag sa karagatan. Inspirasyon daw niya ang kanyang amain na nagtatrabaho sa Philippine Coast Guard (PCG).
 
Kuwento ni Eugene, ‘Kaya ako pumasok sa maritime school dahil nakita ko po ‘yung post ng PCG na may partner school sila. ‘Yung step father ko po kasi is part ng PCG na-inspire po kasi ako sa kanya.’
 
Hindi na raw siya nagpatumpik-tumpik pa nang nalamang may scholarship na iniaalok ang Coast Guard sa mga magsi-senior high school na qualified dependents ng PCG personnel. 
 
Sa ilalim ito ng memorandum of agreement ng PCG at Maritime Academy for Training and Education (MATE), isang maritime school sa Rizal.
 
Masuwerte namang nailusot ni Eugene ang requirements ng PCG. Kaya hindi maipaliwanag ang kanyang kasiyahan at excitement nang nalamang pasado siya. Pagbabalik-tanaw niya, ‘Nasa biyahe po ako pauwi from school. Kahit po nasa biyahe ako, ang ingay ko po sa tuwa.’ 
 
Masaya si Eugene dahil sa kanyang murang edad, nagiging responsable at disiplinadong kadete raw siya sa loob ng training school. Magandang simula raw ito sa pag-abot niya ng kanyang pangarap.
 
Pagtatapos niya, ‘Pinaka-highlight po sa journey ko sa MATE ‘yung kahalagahan ng paggalang at disiplina. Ang paggamit po ng terms, talagang parang isang military officer. Bago pumasok sa loob ng room, daily routine – may bag inspection, buckle, nail, mustache, beard and hair.’
 
Ang sa akin lang, mas dumami pa sana ang gaya ni Eugene na handang pumasok sa maritime industry at kalauna’y ipagtanggol ang nasasakupan nating mga teritoryo.
 
Sa huli, sagot ni Eugene – Aye Aye, Sir!

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on