WebClick Tracer

LIFESTYLE

Ano ang scleritis? 

Usong uso ang sore eyes, ngunit hindi lahat ng mapula ang mata ay kaagad sore eyes.

May reader tayo na biglang namula ang mata, hindi naman daw makati at masakit, ngunit, may nararamdaman na sakit ng ulo at kaunting lagnat bago ang lahat. Ang inaalala ay kung nakakahawa ba ito at ano ang mga dapat gawin para mawala ang pamumula. Ano ang dahilan at maiiwasan ba ang kundisyon.

Scleritis ang tawag sa kundisyon na ito. Ang pamamaga ng puti ng mata. Hindi impeksyon ang dahilan tulad ng bacterial conjunctivitis na kung saan mahapdi, nagmumuta at masakit ang mga mata. Parang may buhangin ito at tunay na nakakahawa. Ang scleritis ay maaaring nagmula sa mga auto immune na sakit tulad ng rheumatoid arthritis kaya maaaring may kasamang pananakit ng katawan. Pwedeng magluha din at maging sensitibo sa liwanag. Kung minsan, maaaring abutin ng linggo ang kundisyon na ginagamitan ng mga gamot para mabawasan ang pananakit at pamumula, kabilang na ang steroids, ipinapatak sa mata o iniimon.

Dahil sa nagkalat pa din ang Covid, kinakailangan maeksamin kung may Covid nga o wala. Maaapektuhan ang paggaling kung meron at nakakahawa ang kalagayan. Kadalasan ay panandalian ang kalagayan, ngunit kung pababayaan ay maaaring lumala, kumalat sa paligid at pwede din maapektuhan ang pagtingin, nagiging necrotizing scleritis at mabulag.

Isa sa dahilan din ay ang mababang lebel ng vitamin D. kasama din ang posibilidad na nanggaling sa tuberculosis, lupus at iba pa. Ang pagdagdag ng inom ng vitamin D ay makakatulong, kasama na din ang vitamin A at B complex. Isama na din ang pagkain ng mag sumusunod, carrots, berde at madahong gulay, red pepper, isdang salmon at pati na ang talaba. Pati na din ang mangga, papaya, kalabasa at camote. Iwasan muna ang mga maaanghang at masebong pagkain.

Ang eksaminasyon sa mata ay ginagawa ng mga ophthalmologists na syang gumagamit ng slit lamp na microscope para makita ng mabuti ang mga mata. Inaalam kung ito nga ang problema o episcleritis na mas madalas mangyari ngunit hindi gaano katindi ang sintomas at mas mabilis humilom.

Anoman ang dahilan, huwag balewalain ang mga sintomas na naaapektuhan ang mag mata natin. Napakahirap kapag ang ating paningin ang nawala. Paano na lang ang mag magagandang tanawin, hugis at lalo ng mukha ng mag mahal natin sa buhay, hindi na natin muling masisilayan kapag nabulag. Ipatingin natin agad ito.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe! Remain vigilant!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kapitbahay tuwing huwebes 1pm at Health Watch tuwing ikatlong linggo ng buwan 9am sa DZEC1062) at Doc Rylan Facebook Live tuwing linggo ng 11am. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Ano ang masasabi mo sa balitang ito? (Mag-komento)

TELETABLOID

Follow Abante News on