Sino raw itong opisyal ng Malacañang na suki ng mga laro sa katatapos na FIBA World Cup 2023 sa Pilipinas?
Kuwento ng isang impormante kay Mang Teban, halos gabi-gabi raw kung manood itong government official lalo na noong magsimula na ang Round 2 ng torneo.
Kung minsan daw ay hinahakot pa ng opisyal ang kanyang mga staff para manood ng laro sa MOA Arena o kaya ay sa Araneta Coliseum. Ito namang mga staff, bitbit din ang kanilang pamilya, aba’y family bonding yata ang kanilang misyon.
Lumalabas tuloy na itong government official ang pasimuno ng lakwatsa sa kanilang opisina dahil imbes na magtrabaho sila, hayun at nasa courtside at kasamang humihiyaw sa mga manlalaro.
Ang nakapagtataka rito, kahit natanggal na ang Gilas Pilipinas sa Round 1 pa lang, aba’y panay pa rin ang panonood ng opisyal at ng mga staff, palibhasa ay may supply sila ng libreng tiket.
Napabayaan tuloy nila ang kakamping si Vice President Sara Duterte na binibira sa isyu ng P125 milyong confidential fund noong 2022.
Marami tuloy na makakating dila at malisyosong observer ang ‘di mapigil ang paghihinala na parang nilaglag ng ibang opisyal ng Palasyo si Inday Sara dahil solo nitong pinasan ang mga batikos at pagpapaliwanag tungkol sa confidential and intelligence fund (CIF).
Lalo pa siyang nadikdik ng ilang senador sa pagdinig ng Senate committee on finance kaya napilitan tuloy ang Bise Presidente na mag-reveal na ang Office of the President ang nag-aprub ng confidential fund noong 2022.
Malamang na boldyakin itong government official dahil pinabayaan nito si VP Sara sa kapapanood ng FIBA Games.
Clue: Ang government official na inuna ang panonood sa FIBA World Cup ay paborito ang Blue Eagles at kapangalan ng taong kinulong pero nakalaya na.