Wala akong education units, pero mahigit dekada na rin akong nagtuturo sa kolehiyo. Karanasan ko bilang mamamahayag ang naging susi para mapasok ko ang mundo ng pagtuturo.
Mula 2011, nakapagturo na ako sa anim na unibersidad sa bansa kabilang ang PWU, Adamson, The Manila Times College, Southville International School and Colleges, FEU at PLM kung saan ako nagtapos ng college at master’s degree.
Hindi biro ang maging guro. Matinding paghahanda ang kailangan bago ka pumasok sa loob ng classroom. Kahit pa sabihing alam na alam ko na ang subject na hawak ko, iba pa rin na lagi kang may baong bago para sa mga estudyante.
Dahil mahigit sampung taon na rin akong nagtuturo, marami-rami na rin akong naging estudyante na ngayo’y nagtatrabaho na rin sa mga napili nilang larangan.
Bokasyon, at hindi talaga propesyon ang pagiging guro. Hindi natatapos sa klase ang responsibilidad nina Ma’am at Sir. Higit silang kailangan ng mga mag-aaral sa labas ng school campus.
Hindi sa pagbubuhat ng bangko – pero hindi na rin mabilang sa daliri kung ilang dating estudyante ang natulungan kong makakuha ng disente, maayos, at pinapangarap nilang trabaho.
May ilang lalapit sa’yo para mag-alok ng produkto, hindi mo mapapahindian. Hindi dahil nahihiya kang tumanggi, kundi dahil suportado mo ang sinisimulan niyang negosyo.
Ang iba naman, sasangguni ng payo lalo na ang mga naguguluhan sa karerang tatahakin, sa pamilyang hindi magkasundo o di kaya’y sa isyu ng buhay pag-ibig.
Pag teacher ka, dapat superhero ka. Para ka ring balita, hindi natutulog. Kailangang maipadama mo sa mga estudyante na lagi kang nandyan, ‘always available’ sakaling kailanganin nila.
Sa totoo lang, masaya sa pakiramdam ng isang guro tuwing nakatutulong sila sa kapwa, higit lalo sa mga estudyante na itinuturing na silang ikalawang magulang.
Kahit pagod, puyat at problemado – ni minsan, wala tayong narinig na reklamo sa tuwing kailangan natin ng kanilang payo.
Ang tanong – sina Ma’am at Sir, kinumusta mo ba? Okay pa kaya sila?
Minsan sa sobrang busy natin sa trabaho, nawawala na sa loob natin ang mga taong nagtanggol sa atin nang minsan tayong nasangkot sa gulo sa eskuwela. Nakakalimutan natin sina Ma’am at Sir na naging gabay natin kaya tayo nakakatayo ngayon sa sarili nating mga paa.
Ngayong Teachers’ Month, isang simpleng text message ng pasasalamat – tiyak akong malayo ang mararating. Siguradong mapapangiti mo sina Ma’am at Sir. Kung may extra budget, puwede rin naman silang ayaing lumabas para mas mahaba-haba ang oras ng kuwentuhan.
Uunahan ko na nang pagpupugay – saludo po kami sa inyo, mga mahal naming guro!